Pinarangalan ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang mga nanalo sa “Division-wide Gulayan sa Paaralan Program Containerized Garden Contest” at “Batang Dagupeno: Best Implementer of Gulayan sa Tahanan” sa isinagawang awarding ceremony matapos ang flag-raising ceremony sa City Plaza nitong Lunes.
Tumanggap ng cash prizes at pagkilala ang mga nagwaging paaralan at mag-aaral bilang bahagi ng pagsusulong ng urban gardening at food sustainability sa mga paaralan at tahanan sa lungsod.
Sa elementary category ng containerized garden contest, kinilala ang mga paaralan mula sa walong distrito kabilang ang Malued Elementary School, Pogo-Lasip Elementary School, Tebeng Elementary School, Bonuan Buquig Elementary School, Sabangan Elementary School, Bolosan Elementary School, Pugaro Integrated School, at Carael Elementary School.
Itinanghal namang overall champion ang Sabangan Elementary School, habang pumangalawa ang Carael Elementary School at pumangatlo ang Bonuan Buquig Elementary School.
Sa secondary category, nanguna ang Judge Jose De Venecia Sr. Technical Vocational Secondary School, sinundan ng Bonuan Boquig National High School at Carael National High School.
Samantala, kinilala rin ang ilang mag-aaral sa elementary at secondary level bilang pinakamahusay na implementers ng “Gulayan sa Tahanan” dahil sa kanilang aktibong pakikilahok sa pagtatanim ng gulay sa kanilang mga tahanan .
Layunin ng programa na hikayatin ang mga mag-aaral at pamilya na magkaroon ng sariling taniman bilang suporta sa seguridad sa pagkain at mas malusog na pamumuhay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






