Naglabas ng paalala ang Calasiao Police Station sa mga magulang at tagapag-alaga na huwag hayaang magmaneho ng anumang motor vehicle ang mga menor de edad bilang bahagi ng kampanya para sa kaligtasan sa lansangan.
Ayon sa pulisya, ang pagmamaneho ay isang responsibilidad na nangangailangan ng sapat na edad, tamang kaalaman, at legal na lisensya.
Binigyang-diin din nito na sa ilalim ng Presidential Decree No. 603 o Child and Youth Welfare Code, at iba pang umiiral na batas-trapiko, ipinagbabawal ang mga menor de edad na magmaneho upang maiwasan ang mga aksidente at mapangalagaan ang kanilang kaligtasan.
Hinimok ng awtoridad ang mga magulang at tagapag-alaga na gabayan ang kanilang mga anak sa wastong asal sa kalsada at tiyaking sumusunod ang mga ito sa mga batas-trapiko.
Pinaalalahanan din ang publiko na ang kaligtasan sa lansangan ay responsibilidad ng bawat isa, at ang pagsunod sa mga umiiral na batas ay mahalaga upang maiwasan ang disgrasya at mapanatili ang kaayusan sa mga kalsada. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











