
Nilinaw ng Malacañang na walang anumang kapalit o kondisyon ang Russia sa pagpapalaya sa 24 na Pilipinong na-detine sa nasabing bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, direktang inilahad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Russian President Vladimir Putin ang kalagayan ng mga Pilipino sa kanilang bilateral meeting.
Nagulat umano si Putin nang malaman ang kaso ng mga Pinoy at agad na nangakong susuriin ang kanilang sitwasyon.
Sinabi rin ng lider ng Russia na hahanapan niya ng solusyon ang usapin alinsunod sa mga umiiral na batas at polisiya ng kanilang bansa.
Binigyang-diin ni Castro na iginagalang ng Pilipinas ang batas ng Russia, habang naging positibo naman ang naging tugon ni Putin na nagbukas ng daan para sa agarang pagpapalaya at pagpapauwi sa mga Pilipino.
Ikinatuwa naman ni Pangulong Marcos ang mabilis at positibong aksyon ng Russia sa usapin.










