
Cauayan City – Suportado ng Public Order and Safety Division Cauayan City ang paggamit ng metal detector bilang karagdagang security measures sa mga paaralan sa lungsod ng Cauayan.
Ayon kay POSD Chief Pilarito Malillin, sinabi nito na mayroon ng mga paaralan sa lungsod ang nabigyan ng Metal Detector upang magamit sa pagsusuri sa mga kagamitan ng mga estudyante, guro, at iba pang pumapasok sa mga paaralan.
Aniya, malaki ang maitutulong nito upang maiwasan ang pagkakatala ng malalang insidente sa loob ng paaralan dahil kaagad na malalaman kung mayroon bang magdadala ng mga ipinagbabawal na gamit katulad ng mga patalim at armas.
Sinabi rin ng hepe na nitong mga nakaraang araw ay may mga paaralan na rin ang nag request ng metal detector upang magamit sa mga paaralan.
Ayon sa hepe, susuportahan nila ang pag-invest sa ganitong uri ng kagamitan para sa improved safety measures, maging ang karagdagang paghihigpit sa mga paaralan upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa lungsod.










