Thursday, November 12, 2026

Bidding para sa coal mining rights sa Semirara Island, muling binuksan ng DOE

Muling binuksan ng Department of Energy (DOE) ang bidding para sa coal operating contracts sa tatlong lugar sa bansa, kabilang ang Semirara Island sa Antique na itinuturing na pinakamalaking minahan ng carbon sa Pilipinas.

Isasagawa ang bidding alinsunod sa Joint Administrative Order No. 2026-01 ng DOE at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Tinatayang nasa 207 milyong metric tons ng reserbang karbon ang sakop ng subasta sa 5 blocks sa Isabela, 3 blocks sa Cagayan, at 10 blocks sa Semirara Island.

Halos 50 taon nang pinatatakbo ng Semirara Mining and Power Corp. (SMPC) ang minahan sa Antique, ngunit nabigo itong makapag-renew ng kontrata na nakatakdang mag-expire sa July 2027.

Itinakda ng DOE ang pre-bid conference ngayong November 13, ang pagsusumite at pagbubukas ng mga bid sa December 11, at target na malagdaan ang kontrata kasama ang mananalong bidder sa January 13, 2027.

Una nang kinwestyon ng SMPC ang ilang probisyon sa bagong panuntunan ng DOE at DENR, partikular ang obligasyong isuko sa pamahalaan ang kanilang mga ari-arian o assets sa lugar.

Nagbabala rin si Pangasinan Representative Mark Cojuangco na maaaring malagay sa alanganin ang suplay ng kuryente at energy security ng bansa kung magpapatuloy ang kalituhan sa patakaran ng nasabing subasta.

Facebook Comments