
Hindi pa rin pinapayagan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagbiyahe o paglalayag ng anumang uri ng sasakyan pandagat sa ilang bahagi ng Mindanao matapos ang nangyaring 7.8 magnitide na lindol.
Sa panayam kay Commodore Noemie Cayabyab, tagapagsalita ng PCG, kasama sa mga lugar na suspendido ang biyahe sa Saranggani, Davao Occidental, Jose Abad Santos at General Santos City.
Nabatid na patuloy na nagsasagawa ng pagsusuri ang PCG katuwang ang ilang ahensiya ng pamahalaan sa mga pasilidad gayundin sa mga pantalan.
Dagdag pa ni Cayabyab, patuloy rin ang koordinasyon ng PCG sa mga komunidad sa gitna ng nararanasang aftershocks.
Una ng inabisuhan ng PCG ang mga operator ng lahat ng sasakyan pandagat na kung maaari ay huwag muna maglayag para makaiwas sa mas malaking banta at panganib ng tsunami sa baybayin.
Sa kasalukuyan, naka-deploy pa rin ang mga tauhan ng PCG kabilang ang kanilang K9 units para tumulong sa search rescue at relief operations.









