Biyuda ni Kobe Bryant, pumayag na sa $28.9-M na areglo sa crash site photos

Natuldukan na rin ang isyu sa kontrobersiyal na Kobe Bryant helicopter crash site photos matapos na pumayag na umano ang biyuda ng basketball legend na magkaroon ng kabayaran sa pinal na aregluhan na nagkakahalaga ng $28.85 million.

Sinasabing naisara ni Vanessa Bryant ang settlement laban sa Los Angeles County.

Una nang kinasuhan ng pamilya ni Bryant ang sheriff department at fire department matapos na ibahagi ang kuhang mga larawan sa deadly crash kung saan kasama sa nasawi ang anak nila na si Gianna.


Naipanalo ni Vanessa ang inisyal na kaso sa federal court para bayaran ang kanilang pamilya ng $15 million.

Gayunman matapos na madiskubre na may pagkakamali sa desisyon, isinama na rin sa nagrereklamo ang mga anak ni Bryant bilang mga plaintiffs kaya naisapinal ang deal.
Ang naturang settlement ay kailangan pa rin ang court approval.

Ang iba pang pamilya ng mga biktima sa bumagsak na helicopter ay nagkaroon na rin ng confidential settlement noong 2021 laban naman sa helicopter company na sangkot sa naturang pangyayari.

Sa unang panalo sa kaso sinabi noon ni Vanessa na ibibigay niya bilang donasyon ang pera na makukuha sa settlement sa Mamba & Mambacita Sports Foundation.

Facebook Comments