BOC-NAIA, dumepensa sa ginawang hakbang laban sa mga crew ng PAL

Iginiit ng isang opisyal ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) na matagal nang may “history” ng smuggling ang ilang mga crew ng Philippine Airlines (PAL).

Sa isang panayam kay Atty. Ma. Lourdes Mangaoang, Customs Deputy Collector for Passenger Services sa NAIA, hindi nila papalagpasin ang ginawa ng mga crew ng PAL na magtangkang magpasok ng sibuyas at iba pang agricultural products mula Riyadh at Dubai.

Ayon kay Mangaoang, hindi nila hahayaan na makapasok sa bansa ang mga dala ng crew lalo na’t wala itong kaukulang permit kung saan hindi naman sila inaresto at ikinulong.


Aniya, sasampahan ang mga naturang crew ng kasong smuggling dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tarif Act at Presidential Decree 1433 dahil naman sa pagsuway sa Plant Quarantine Law.

Dumipensa rin si Mangaoang sa naging pahayag ni Sen. Raffy Tulfo kung saan muli niyang inihayag na ginagawa lamang daw nila ang kanilang trabaho ng naayon sa batas.

Matatandaan na una ng sinabi ng senador na makapal ang mukha ng mga tauhan ng BOC at Department of Agriculture (DA) dahil sa ginawa nila sa mga crew ng PAL saka iginigiit na dapat nilang unahin ang mga big time smuggler.

Facebook Comments