Aperado na rin umano ang turismo at kabuhayan ng mga resort owners sa Cabalitian Island sa Sual dahil umano sa mga ilegal na fish cages sa kanilang karagatan.
Ayon kay Nicasio Abata, spokesperson ng Cabalitian Fisherfolk Association, kapansin-pansin na ang pagbaba ng bilang ng mga turistang bumibisita sa isla.
Aniya, kung dati ay dagsa ang booking tuwing sasapit ang mga Ber Months, ngayong taon ay wala pa umano silang naitatalang booking.
Dagdag pa ni Abata, isa sa mga nakikitang dahilan nito ang pagdami ng mga ilegal na fish cages na umano’y nakaapekto sa kalidad ng kanilang karagatan.
Nagbago na raw ang kulay ng tubig, dumarami ang mga basurang palutang-lutang at nakararanas na rin umano ng pangangati ng balat ang ilang turistang naliligo rito.
Dahil dito, pinag-iisipan na ng ilang resort owners, kabilang si Abata, ang iba pang hakbang at alternatibong solusyon upang matugunan ang problema sa mga ilegal na fish cages na sinasabing nakaaapekto hindi lamang sa turismo kundi maging sa kanilang kabuhayan.
Sa huli, nananawagan ang mga resort owners at residente ng Cabalitian Island sa lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya na maaksyunan ang naturang problema upang maibalik ang dating ganda ng kanilang karagatan, muling pasiglahin ang turismo at mapangalagaan ang kabuhayan ng mga mamamayan sa isla. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







