Monday, November 23, 2026

ILANG ILLEGAL FISH CAGES NA PAGMAMAY-ARI UMANO NG MAG-ASAWANG CHINESE SA FRONT AREA NG CALPAY SHOAL SA SUAL, PANGASINAN, TINANGGAL NA; FISH CAGES SA IBANG PANIG NG CALPAY SHOAL, NANANATILI

Tinanggal na ang ilang illegal na fish cages sa front area ng Calpay Shoal ng Cabalitian Island sa Sual, Pangasinan na pagmamay-ari ng mag-asawang Chinese matapos pumutok online at sa iba’t ibang pahayagan ang mga balita patungkol sa mga illegal fish cages.

Ayon sa tagapag-salita ng Cabalitian Fisherfolk Association na si Nicasio Abata, lumabas ang Cease and Desist Order mula sa bayan ng Sual noong Setyembre 21, 2026 kung saan pinapabuwag ang dating bilang 33 na fish cages sa front area ng Calpay Shoal at pinapalipat ang tinatayang 99 fish cages na nasa ibang bahagi ng Calpay Shoal.

Humiling umano ng palugit ang may-ari ng nasabing mga fish cages na kanila namang pinagbigyan. Ngunit imbes na unti-unting tanggalin, dinagdagan pa umano ang mga ito matapos ang ilang buwan.

Base sa huling report ng Office of the Municipal Agriculturist noong November 12, nasa 29 fish cages ang patuloy na nananatili sa front area ng Calpay Shoal.

Dagdag ni Abata, hindi umano sila sigurado kung talagang binuwag ang mga nasabing fish cages na nakapaloob sa Cease and Desist Order o inilipat lamang sa ibang lugar dahil wala umanong nakita ang mga mangingisda ng senyales na nabuwag ang mga ito.

Sa kasalukuyan, patuloy umanong nananatili sa ibang bahagi ng Calpay Shoal ang tinatayang 99 na fish cages na pinalilipat ng bayan sa tamang lugar.

Pinuntahan at sinubukan naman ng IFM News team na kuhaan ng panig ang may-ari ng fish cages ngunit wala umano ang mga ito sa compound ng kanilang kumpanya.

Samantala, nakatakda namang pumunta ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR 1 at ng Environmental Management Bureau sa lugar upang suriin ang lagay at sitwasyon ng mga kinalalagyan ng fish cages.

Humihiling naman ang mga apektado ng patas at pantay na pagsusuri sa lagay ng lugar at ng tamang solusyon sa kinakaharap nilang problema na naka-ayon sa batas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments