Friday, August 14, 2026

Chinese embassy, nagbanta na ipakukulong ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa China kung hindi pakakawalan ang mga Chinese nationals na inaresto

Nagbanta umano ang mga opisyal ng Chinese embassy na ikukulong ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa China kung hindi pakakawalan ang mga Chinese nationals na inaresto sa ni-raid na steel manufacturing facility sa Misamis Oriental.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Director Benjamin Acorda Jr. na sinabihan sila ng mga taga-Chinese embassy noong bumisita sa kanyang opisina na dadakpin din ang mga Pilipino sa China kapag hindi pinakawalan ang mga Chinese workers.

Nasa 69 na Chinese nationals ang inaresto ng PAOCC sa pabrika ng Philippine Sanja – Steel Corporation sa bayan ng Tagoloan na ni-raid dahil sa umanoy paglabag sa mga immigration, labor at enviromental laws.

Laking pagkadismaya naman ni Senator Risa Hontiveros at iginiit na dapat iprotesta ng pamahalaan ang nasabing banta ng Chinese embassy.

Punto ng senadora, hindi ito ang unang pagkakataon na binweltahan ng Chinese embassy ang bansa.

Gayunman, walang ideya si Acorda nang matanong ni Hontiveros kung bakit maraming Chinese nationals sa kompanya.

Ipinagtataka pa ni Acorda at ilang araw matapos ang kanilang operasyon ay may naiharap agad ang Chinese embassy na kopya ng valid working permits at iba pang dokumento ng mga inaresto.

Facebook Comments