
Isinulong ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan na taasan ang sweldo ng mga guro sa special needs education (SNED).
Nakapaloob ito House Bill 5574 na inihain ni Yamsuan na layuning magkaroon ng sapat na SNED teachers sa pampublikong paaralan para sa mga elementarya at sekondarya.
Tinukoy ni Yamsuan na noong School Year 2024-2025 ay nasa 391,000 ang learners with disabililties sa pampublikong paaralan pero 6,000 lang ang SNED Teachers.
Sa ngayon ay tumatanggap ang SNED teachers ng Salary Grade 14 o buwanang sweldo na ₱38,764.
Kapag naisabatas ang panukala ni Yamsuan ay itataas sa ₱45,694 ang sahod kada buwan ng SNED teachers ngayong taon at itataas muli sa ₱47,829 pagsapit ng 2027.
Binigyang-diin ni Yamsuan na lahat dapat ay pantay-pantay ang oportunidad sa edukasyon, at mangyayari lamang ito kung may sapat tayong mga special needs education teachers sa public schools para sa mga mag-aaral na may disabilities.










