
Nasagip ng National Bueau of Investigation – International Operations Division (NBI-IOD) ang limang babaeng Russian at isang Pinay na dating beauty queen sa isang human trafficking operation.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) kinukuha ang mga babae at iniaalok para sa isang sexual commercial PR modeling at companionship services.
Umaabot sa P25,000 ang sinisingil umano para sa pagkuha sa bawat isa sa mga Russian.
Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang ahensya hinggil sa umano’y pagre-recruit at pag-aalok ng mga babae, kabilang ang mga beauty queen, artista, modelo at foreign national, para sa sex services kapalit ng bayad.
Sa operasyon, nakipagtransaksiyon ang isang poseur-buyer ng NBI sa suspek, na umano’y pumayag na magbigay ng mga babae kapalit ng P25,000 bawat isa bukod pa sa komisyon.
Naaresto ang suspek matapos tanggapin ang marked money sa isang hotel residence sa Makati City sa isinagawang entrapment operation.
Ang mga nasagip na kababaihan ay nasa pangangalaga na ng Makati City Social Welfare and Development Office para sa assessment, aftercare services at iba pang kinakailangang tulong.










