
Kumuha na ng mga dagdag na tauhan ang Commission on Elections (COMELEC) para tumulong sa pagbeberipika ng mga naimprentang balota.
Sa Meet the Press ng National Press Club, inihayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na nasa 250 na tao ang kinuha nila para mas mapabilis ang manual verification.
Aminado si Garcia na mababa pa ang bilang ng mga nabeberipikang balota lalo na’t nasa higit 21 milyon na ang kanilang naimprenta mula sa National Printing Office (NPO).
Dagdag pa ni Garcia, patuloy rin ang pagsasa-ayos nila sa ilang bakanteng kwarto sa Amoranto Stadium para doon isagawa ang manual verification.
Umaasa ang Comelec na kapag naayos na ang opisina sa Amoranto Stadium ay mapabibilis ang pagbeberipika ng mga balota kung saan sisikapin nila na maabot ang deadline ng pag-imprenta sa April 14, 2025.