Thursday, May 28, 2026

PNP, tiniyak ang airtight case laban sa mga sangkot sa pagtakas ni Senator Bato dela Rosa

Nagbigay ng direktiba ang Philippine National Police (PNP) sa mga imbestigador na magsampa ng matibay na kasong kriminal laban sa mga sangkot na tumulong kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa para makatakas sa Senado sa kabila ng warrant nito na inisyu ng International Criminal Court o ICC.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr, ang nasabing direktiba ay kasunod ng napagalaman ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na ang pagsakay ni Senator Dela Rosa sa sasakyan ni Senator Robin Padilla ay pinagplanuhan ng maigi.

Kung saan napagalaman din na may isa pang sasakyan ang nagsilbing security escort at back up car.

Aniya, maging babala ito na may legal na kahihinatnan ang pagpiling makialam at tumulong sa taong may nakabinbing warrant anuman ang kanyang status.

Nakikipagugnayan na rin ang PNP sa mga ahensya ng transportasyon para matukoy kung sino ang nagmamay-ari ng nasabing sangkot na sasakyan at iba pang mga galaw kaugnay ng kaso.

Samantala, pinabulaanan ni Nartatez ang mga kritiko na nagsabing nakompromiso ng mga awtoridad ang operasyon dahil sa pagbibigay ng mga pampublikong update at pagsasagawa ng mga high-profile raid, gaya ng kamakailang paghahalughog sa isang subdivision sa Angeles City.

Ayon sa kanya, ang mga pampublikong updates ay ishinishare para mapanatili ang transparency at iaddress ang pampublikong interes ngunit ang mga tactical na galaw, intelligence gathering at field operations ay nanatiling confidential.

Facebook Comments