
Kinumpirma ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na naipadala na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang guidelines hinggil sa AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita Program.
Ang naturang patakaran ang pagbabatayan ng COMELEC sa pagbibigay ng exemption sa programa sa pagbabawal ngayong 2025 midterm elections.
Sa guidelines ay magkatuwang na inilabas ng DSWD, Department of Labor and Employment (DOLE), at National Economic Development Authority (NEDA) na magbibigay katiyakan din na ang AKAP ay mapakikinabangan ng nararapat na target na sektor.
Ito ay ang mga indibidwal na mas mababa sa minimum ang sahod at mas apektado ng pagtaas sa presyo ng pagkain at iba pang mga serbisyo.
Una nang sinabi ni Garcia na dapat ding masiguro na ang mga ayuda ng gobyerno sa panahon ng eleksyon ay ipamimigay ng DSWD at kaukulang mga ahensiya kung saan hindi dapat ito magagamit sa pamumulitika at pangangampaniya.