Tuesday, May 26, 2026

Minorya, nag-walk out sa plenaryo ng Senado matapos ipilit ang mosyon na pagbotohan ang pag-amyenda sa rules

Nag-walk out ang buong miyembro ng minorya sa sesyon ngayong gabi sa plenaryo.

Ito ay matapos ipilit ng mayorya na pagbotohan ang mosyon ni Senator Rodante Marcoleta na amyendahan ang Rule 14, Section 41 upang payagan ang isang senador na makadalo sa sesyon sa pamamagitan ng teleconferencing o videoconferencing.

Tinalakay sa floor ang naturang mosyon pero mariin itong tinutulan ng minority bloc.

Kinuwestyon nina Senator Ping Lacson, Senator Kiko Pangilinan at Senate Minority Leader Tito Sotto ang status ng mosyon at kung na-constitute na ba ang Committee on Rules.

Tinukoy ni Senate President Alan Peter Cayetano na batay sa Section 136 ng Senate Rules, maaaring amyendahan ang rules sa pamamagitan ng mosyon at pagbotohan, at hindi kailangan ng endorsement ng Committee on Rules.

Sinabi pa ni Cayetano na ang tanging requirement ay maiulat ito sa floor isang araw bago pagbotohan. Aniya, noong May 11 pa ito nai-refer sa Committee on Rules kaya lumalabas na naiulat na rin ito sa plenaryo isang araw bago ang botohan.

Subalit iginiit ng mga senador ng minorya na hindi ito maaaring pagbotohan kung hindi ito isang resolusyon.

Kinuwestyon din ni Sotto kung binabraso ba ito dahil wala man lang siyang nalalaman gayong ex-officio member siya ng Committee on Rules.

Nagtanong din si Pangilinan kung ang pag-amyenda sa rule na ito ay para sa benepisyo ni Senator Bato dela Rosa, na ngayon ay wala sa Senado at nagtatago umano mula sa mga awtoridad.

Binigyang-diin ni Pangilinan na may mga valid silang katanungan bago mapagbotohan ang mosyon.

Nagsuspinde ng sesyon at dito ay nagtalo sina Marcoleta at Senator Risa Hontiveros tungkol sa pag-amyenda sa rules.

Pagbalik ng sesyon, tumayo si Senator Erwin Tulfo at sinabi kung ang mosyon ba ay para sa dalawang senador na posibleng makulong anumang oras sa susunod na linggo.

Dito ay tumayo si Senator Migz Zubiri at inaya ang mga senador na lumabas na ng sesyon.

Sabay-sabay na nagsitayuan ang mga senador ng minorya at iginiit na pambobola, pambabraso, at paglabag ito sa kanilang rules.

Dahil walang quorum sa sesyon matapos ang walkout ng minorya, hindi natuloy ang botohan at nag-adjourn ngayong gabi.

Itinakda ang pagpapatuloy ng sesyon alas-5:00 ng hapon sa June 1.

Facebook Comments