
Patuloy na nakakatanggap ang Senado ng mga subpoena at request para sa mga impormasyon kaugnay ng nangyaring shooting incident noong May 13.
Sa sesyon kanina, sinabi ni Senate President Alan Peter Cayetano na mula sa simula ay lubos ang pakikiisa ng Senado sa imbestigasyon.
Pumayag aniya sila sa ilang joint investigation dahil layunin nilang makapagbahagi ng impormasyon.
Nagsagawa rin ng caucus ang mga senador upang humingi ng direksyon hinggil sa imbestigasyon at maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan.
Sa sesyon ngayong araw, walang nangyaring kudeta laban sa liderato ni Cayetano, na nangangahulugang wala pang sapat na numero ang minority bloc para makuha ang mayorya.
Kaugnay ng mga tensyong naganap, sinabi ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na malayo na ang kasalukuyang Senado sa panahon nina dating Senators Jose “Pepe” Diokno, Raul Roco, Juan Flavier, Miriam Defensor Santiago, at Franklin Drilon na bagama’t magkakaiba ang paniniwala ay hindi umano ginagawang palabas ang Senado.
Ayon pa sa kanya, ang mga naturang lider ay hindi lamang kilala sa talino kundi pati sa disiplina, statesmanship, at respeto sa institusyon hindi tulad ngayon na sa ilalim umano ng pamumuno ni Cayetano ay nawala na ang dignidad at kredibilidad ng Mataas na Kapulungan.










