
Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na walang nangyaring diskriminasyon sa isinagawang operasyon sa isang steel plant sa Misamis Oriental matapos maaaresto ang nasa 69 na mga undocumented Chinese Nationals.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng concern ng Embahada ng China sa umano’y diskriminasyon sa mga nasabing chinese nationals sa isinagawang raid.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., kumilos lamang sila base sa batas at sa inisyu na search warrant ng korte patungkol sa mga reklamo kaugnay ng immigration violations, labor laws at public safety issues na kinasasangkutan ng hazardous materials sa lugar.
Nabatid na bukod sa mga nasabing naaresto ay nakitaan din ng radioactive materials ang ilang mga pasilidad sa nasabing planta.
Ayon pa sa PNP, hindi naging basehan ng operasyon ang presensya ng mga nasabing dayuhan kung saan hindi sila tumitingin sa kung ano ang lahi kundi sa nilabag nitong batas.
Tiniyak naman ng PNP na protektado ang lahat ng mga dayuhang nagtatrabaho at investors sa bansa at isasagawa ang lahat ng proseso ng patas, transparent at may respesto sa karapatang pantao.










