Tuesday, July 14, 2026

House prosecution team, hindi na pahaharapin si Atty. Zuleika Lopez at Capt. Belinda Bello sa paglilitis

Hindi na ipapatawag ng prosecution team si Atty. Zuleika Lopez ang Chief of Staff ni Vice President Sara Duterte at si House of Representatives (HOR) Sergeant at Arms Capt. Belinda Bello para humarap sa impeachment trial.

Ayon kay Atty. Lorna Kapunan, lead counsel para sa house prosecution panel, hindi na kinakitaan ng pangangailangan na paharapin pa si Lopez ngayong gabi.

Dapat sana ay isasalang sa witness stand si Lopez para tumestigo sa Article 4 o grave threats ni VP Sara laban kay Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sinabi ni Kapunan na kung pahaharapin pa si Lopez ay ipiprisinta lamang nito ang pagkaka-contempt sa kanya sa detention center ng Kamara kung saan kasama siya noong magbitiw ng pagbabanta si VP Sara.

Hindi na rin pahaharapin si Bello dahil kukumpirmahin lang naman nito ang transfer order ni Lopez sa detention center patungong Women’s Correctional.

Ipinunto dito na sapat na ang naging pahayag ng dalawang naunang testigo na sina National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Calilung at NBI Regional Director Jeremy Lotoc.

Bukod dito, parehong video rin ang naging reference at iprinisinta ng depensa sa kanilang cross-examination patunay na walang paglabag sa presentasyon.

Samantala, bukas ay isasalang sa oral arguments ang hiling ng prosecution team na subpoena sa tax records ni VP Sara at Atty. Mans Carpio at bank records ng bise presidente.

Dito ay pangangatwiranan ng prosekusyon kung bakit dapat na buksan ang tax records at bank accounts ni Duterte habang ija-justify naman ng defense team kung bakit hindi dapat ito mabuksan.

Bibigyan ng tig-15 minuto para sa oral arguments ang magkabilang panig at tig 10 minuto naman sa rebuttal.

Tinapos na ng impeachment court bago mag-alas otso ng gabi ang Day-5 ng impeachment trial.

Facebook Comments