
Aminado ang Commission on Elections (Comelec) na kakailanganin ng dagdag na pondo sakaling matuloy na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Sa gitna pa rin ito ng mungkahi ng ilan na i-postpone muna ang halalan dahil sa epekto ng krisis sa Middle East.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, bagama’t 85 percent na silang handa ay wala silang magagawa kung Kongreso na ang magpasya na ipagpaliban muna ang halalan na nakatakda sa November 2.
Sa kabila nito, muli raw silang hihingi ng dagdag na pondo dahil sa mga gastusin gaya ng panibagong pagpaparehistro, dagdag na presinto, mga kagamitan, balota at mga guro na magsisilbi sa halalan.
Aabutin aniya ng hanggang tatlong bilyong piso ang kakailanganin sa isang reset o pagpapaliban ng BSKE.










