
Tinawag ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na “puppet “ ng administrasyon si National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag.
Ito ay matapos ang pagsalakay ng NBI Special Task Group sa isang night club sa Pasig City matapos makatanggap ng ulat na may nangyayaring umano’y recruitment at paggamit sa mga kababaihan sa sexual exploitation.
Sa isang pahayag, sinabi ng tagapagsalita ng partido na si Atty. Ferdinand Topacio na maituturing itong panggigipit ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Iginiit din ni Topacio na padalos-dalos at iresponsable ang ginawang pagsasapubliko ng pangalan ni dating Congressman Mike Defensor, ng asawa nito at iba pang dawit sa insidente.
Ginawa lamang daw ito dahil ang dating mambabatas ang naging instrumento sa pagbubunyag ng isyu sa panunuhol ng mga male-maleta na naglalaman ng mga umano’y bilyun-bilyong pisong pera sa pamamagitan ng 18 nagpakilalalang dating marines.
Hindi aniya uubra ang tangkang paninira at ang paggamit sa mga ahensiya ng gobyerno para takutin at patahimikin ang mga kritiko.
Kinasuhan ng NBI sina Julie Defensor at anak nito dahil sa umano’y pagkakasangkot sa human trafficking matapos masagip ang mga kababaihan sa isang club na sinalakay sa Pasig City.










