Mahigpit na ipinatupad ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang ordinansa laban sa mga hindi awtorisadong pisonet matapos ipasara ang dalawang establisimyento sa Barangay Calmay na umano’y lumabag sa umiiral na regulasyon ng lungsod.
Isinagawa ng mga tauhan ng Police Station 5 (PS5), sa pangunguna ni Station Commander PCPT Romnick B. Bornawi, ang magkahiwalay na operasyon noong Setyembre 25, 2026, katuwang ang mga opisyal ng Barangay Calmay.
Layunin ng operasyon na ipatupad ang City Ordinance No. 2383-2026, na nagreregula at nagbabawal sa mga hindi awtorisadong operasyon ng pisonet sa Dagupan City.
Dakong alas-7:30 ng gabi nang unang inspeksyunin ng mga pulis ang isang establisimyento na dati nang nakatanggap ng closure notice. Gayunman, natuklasan ng mga awtoridad na nagpapatuloy pa rin ang operasyon nito.
Walong operational computer units ang isinailalim sa kustodiya ng pulisya.
Makalipas ang isang oras, isa pang pisonet establishment sa parehong barangay ang natuklasang nagpapatuloy sa operasyon sa kabila ng paglabag sa nasabing ordinansa at 10 computer units naman ang nakumpiska.
Sa kabuuan, 18 computer units ang naimbentaryo, nadokumento at dinala sa Police Station 5 sa Barangay Carael para sa ligtas na kustodiya habang isinasagawa ang kaukulang proseso.
Samantala, walong menor de edad na natagpuan sa dalawang establisimyento ang isinailalim sa protective protocols at agad na itinurn-over sa mga opisyal ng barangay bago ligtas na naibalik sa kani-kanilang mga magulang o guardian.
Ang nasa hustong gulang na kasama sa unang establisimyento ay itinurn-over din sa barangay at binigyan ng mahigpit na paalala tungkol sa pagsunod sa mga ordinansa ng lungsod.
Ayon kay City Director PCOL Arnold P. Solomon, mananatiling nakatuon ang DCPO sa pagpapatupad ng mga lokal na batas, partikular sa mga operasyong may kaugnayan sa kapakanan ng kabataan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







