Ipinagdiwang ng Lungsod ng Alaminos ang ika-21 anibersaryo ng pormal na paglilipat ng pamamahala sa Hundred Islands National Park sa lokal na pamahalaan.
Bilang bahagi ng pagdiriwang noong Sabado, idinaos ang isang Misa ng Pasasalamat sa Tourism Function Hall, sa pangunguna ni Rev. Fr. Freedie Untalasco.
Sa pamamahala ni Alaminos City Mayor Arth Bryan Celeste, ang pagdiriwang ay nagsilbing pasasalamat sa mga biyaya at tagumpay na patuloy na tinatamasa ng Alaminos, higit sa lahat sa mga oportunidad na hatid ng Hundred Islands sa turismo at kabuhayan ng mga mamamayan.
Taong 2005 nang pormal na ipasa ng Philippine Tourism Authority sa City Government of Alaminos ang pangangasiwa, pamamahala, pagpapanatili at operasyon ng Hundred Islands National Park, matapos ang 65 taong pamamahala ng pambansang pamahalaan.
Samantala, bahagi rin ng pagdiriwang ngayong Setyembre ang paglulunsad ng Centrale Food Night Market sa Lucap Park, na layong bigyang pagkakataon ang mga lokal na negosyante at palakasin ang turismo at kabuhayan sa lungsod.
Patuloy namang binibigyang-diin ng pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor Arth Bryan Celeste ang kahalagahan ng sama-samang pangangalaga sa Hundred Islands bilang mahalagang yaman ng Alaminos at pangunahing destinasyong panturismo ng Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






