
Pinangalanan na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang 11 personalidad na iniimbestigahan kaugnay ng 521 kilong shabu na nasabat sa Laos noong Oktubre 1 at nakatakdang ipuslit sa Pilipinas.
Sa Malacañang press briefing, inilabas ni Remulla ang mga larawan ng mga personalidad na posibleng may kaugnayan sa tangkang pagpupuslit ng droga na nagkakahalaga ng ₱3.5 bilyon.
Kabilang dito si Sultan Edrieza Hadji Nasser Rimbang na dating miyembro ng Bangsamoro Transition Authority Parliament.
Inilabas din ng kalihim ang larawan ni Rohanjah Rimbang, asawa ni Edrieza, na dating kaalyado sa politika ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Abdullah Rimbang Macarimbang naman ang sinasabing nagpondo sa operasyon.
Bukod dito, tinukoy din ni Remulla si Rioklyn Pizarras Toledo, alyas “Boyet,” na umano’y nakipagtransaksiyon sa isang kompanya ng aviation sa Estados Unidos para umupa ng Learjet 55B.
Ang eroplano sana ang gagamitin sa pagdadala ng 23 bagahe ng shabu sa Pilipinas.
Ayon kay Remulla, sa isang pribadong hangar sa MAPTRA sa Pasay City sana ihahatid ang kargamento.
Kasalukuyan namang nakapiit sa Laos ang isang indibidwal na kinilalang si Fahad.










