Monday, August 24, 2026

Dating SDO Gina Acosta, kinumpirmang nakagawian na nila ang pagbibigay ng confidential funds sa kanilang security officer

Inamin ni dating Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta na nakagawian na nila sa Davao City at sa Office of the Vice President (OVP) ang pagbibigay ng confidential funds sa isang security officer.

Sa Day 17 ng impeachment trial para sa direct examination ng prosekusyon kay Acosta, kinwestyon ni Atty. Amando Ligutan kung modus operandi ba nila sa Davao City at sa OVP na ibibigay ang confidential funds sa security officer na hindi bonded at babawiin ang acknowledgement receipt na patunay sana sa pagtanggap ng pondo.

Kinumpirma ni Acosta sa impeachment court na wala siyang hawak na acknowledgement receipts o anumang dokumentong magpapatunay na tinanggap ni dating OVP security officer Col. Raymund Dante Lachica ang confidential fund noong 2022 hanggang 2023 dahil ito ay binawi o kinuha rin ni Lachica.

Sinabi ni Acosta na kinuha ng kanilang security officer ang mga ARs matapos niyang magsumite ng liquidation report sa Commission on Audit (COA).

Gayunman, kinontra ni Presiding Officer Chiz Esdcudero ang pagtatanong ni Ligutan dahil may double meaning ang “modus operandi”.

Si Escudero na mismo ang nagtanong kay Acosta kung nakagawian ba nila ang ganitong proseso noong siya ang SDO ng Davao City at OVP na kinumpirma naman ni Acosta.

Facebook Comments