Monday, August 24, 2026

Kamay ng pulis sa Camarines Sur na naputol kasunod ng pagresponde sa lalaking nag-amok, naikabit na; PNP, nagiinvest sa non-lethal weapons

Iniulat ni Philippine National Police – Public Information Officer (PNP – PIO) Chief Col. Allen Rae Co na naikabit na ang kamay ni kay Police Staff Sergeant Noli M. Miraña ng San Jose, Camarines Sur kasunod ito ng pag-atake sa kanya ng isang lalaking nag-amok noong August 22 sa nasabing lugar.
 
Nabatid na rumesponde ang unit na pinamumunuan ni Miraña mula sa ulat na may isang armadong lalaki na pinaniniwalaang nakararanas ng krisis sa kalusugan ng isip.
 
Kaugnay nito, ibinahagi rin ni Co na nag-iinvest ang PNP para sa kanilang karagdagang kagamitan, partikular sa mga non-lethal weapons na may layon na mapalakas ang kanilang kakayahang rumesponde sa mga insidente nang naaayon sa banta.
 
Bahagi ito ng pagpapatupad ng force continuum kung saan presensya muna ng pulis ang unang hakbang, susundan ng verbal warning at iba pang non-lethal options gaya ng baton at taser, bago ang paggamit ng baril bilang huling option.
 
Pinuri naman ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. si Miraña at ang mga kasamahan nito para sa katapangan, pagtitimpi at propesyunalismo sa pagresponde sa nasabing mapanganib na sitwasyon.

Facebook Comments