Tuesday, November 24, 2026

DECLOGGING OPERATION BILANG PAGHAHANDA LABAN SA PAGBAHA, ISINAGAWA SA ILANG LUGAR SA ILOCOS SUR

Nagsagawa ng declogging operation ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Ilocos Sur 1st District Engineering Office sa ilang lugar sa lalawigan upang linisin ang mga daluyan ng tubig at maiwasan ang pagbabara na maaaring magdulot ng pagbaha.

Bahagi ito ng programang Oplan Kontra Baha, na naglalayong mapanatiling maayos ang daloy ng tubig at maprotektahan ang mga komunidad laban sa posibleng pagbaha.

Personal namang ininspeksyon nina OIC-District Engineer Mary Jane A. Etrata at OIC-Assistant District Engineer Ronald P. Taguba ang mga isinagawang operasyon upang matiyak na maayos at naaayon sa itinakdang pamantayan ang pagpapatupad ng mga gawain.

Ang naturang inspeksyon ay alinsunod sa direktiba ni DPWH Secretary Giovanni Z. Lopez na pangunahan ng mga opisyal ng bawat distrito ang pagsubaybay at pag-iinspeksyon sa mga proyekto at aktibidad na saklaw ng kanilang nasasakupan.

Sa pamamagitan ng patuloy na paglilinis at pagpapanatili ng mga drainage system at daluyan ng tubig, layunin nitong mabawasan ang panganib ng pagbaha at matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments