Thursday, April 16, 2026

DPWH, gumagawa na ng hakbang para tuluyang maapula ang sunog sa Navotas Sanitary Landfill

Ininspeksyon ni Public Works Secretary Vince Dizon ang nasusunog na Navotas Sanitary Landfill kasama ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan.

Layunin ng pag-iinspeksyon na makita mismo kung anong karagdagang tulong pa ang maaaring maibigay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang tuluyang masugpo ang sunog sa landfill site.

Aminado ang kalihim at ang Navotas LGU na wala pa silang tiyak na petsa kung kailan tuluyang maaapula ang apoy, ngunit patuloy silang gumagawa ng mga hakbang upang masolusyunan ang problema.

Ayon sa mga awtoridad, methane gas mula sa landfill ang itinuturong sanhi ng sunog at hindi ang mismong mga basura, dahilan kung bakit mas tumatagal ang pag-apula nito.

Dahil dito, apektado na rin ang ilang komunidad kabilang ang Navotas, Malabon, at Obando, Bulacan.

Ayon kay Dizon, nagpadala na ang DPWH ng heavy equipment tulad ng backhoe, bulldozer, at dredger, kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking makapagbigay ng kinakailangang suporta ang ahensya sa lokal na pamahalaan ng Navotas.

Facebook Comments