
Nilinaw ni SILG Jonvic Remulla na posibleng maalis sa listahan ng mga makakasuhan ang dalawang student managers at ang dalawang ball boys na kasama sa 11 mga indibidwal na nirekomenda ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na masampahan ng kasong hazing kaugnay ng pagkalunod ng dalawang Ateneo basketball players.
Ayon kay Remulla, sinama ang mga nasabing myembro ng basketball team dahil sa pagiging isang special law ng Anti-Hazing Act kung saan lahat ng present sa hazing ay itinuturing na sangkot sa nangyaring insidente.
Aniya, bagaman nasa rekomendasyon nila ang mga student managers at dalawang ballboys, maari silang maalis sa kakasuhan lalo na kung mapapakita na hindi nila alam ang masamang layon ng nasabing insidente.
Kung saan maari pa ngang gawing testigo ang mga ito imbes na akusado ng Department of Justice (DOJ).
Ito ang pahayag ni SILG Remulla matapos ang ilang mga nagkomento kung bakit kasama ang mga dalawang student managers at ang dalawang ball boys sa mga makakasuhan.
Binigyang-diin ni Remulla nasa DOJ pa rin ang magiging pinal na hatol sa nasabing insidente.
Kaugnay nito, ayon pa kay Remulla na mahalaga rin na sa mas masusing pag-iimbestiga ng DOJ ay maisaalang-alang ang posibleng responsibilidad ng pamunuan ng Ateneo de Manila University sa ilalim ng Anti-Hazing Law lalo na ito ay may tungkuling tumayo bilang magulang ng mga estudyante at kung sila ay nagkulang sa pagpigil sa nasabing aktibidad.










