Thursday, July 2, 2026

INC rally, ginagamit umano ni VP Duterte para ilihis ang atensyon ng publiko sa nalalapit niyang impeachment trial

Malinaw para kay House Senior Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila De Lima na ginagamit ni Vice President Sara Duterte ang rally ng Iglesia ni Cristo para ilihis ang atensyon ng publiko sa nalalapit niyang impeachment trial.

Reaksyon ito ni De Lima sa pahayag ni VP Duterte na ang INC rally ay nagpapakita ng tumitinding pagkadismaya ng taumbayan sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Hindi na nakakapagtaka para kay De Lima na sinasamantala ni VP Sara ang mga ganitong mga pagkakataon at iba pang usapin para malihis ang atensyon ng publiko sa mga isyu laban mismo sa kanya.

Diin ni De Lima, hindi dapat nagsasalita si VP Duterte na para bang mayroon siyang mataas na moralidad at may naitulong sa pagresolba sa mga problema ng bansa.

Hindi rin katanggap-tanggap para kay De Lima ang lakas ng loob ni VP Sara para magsalita patungkol sa karakter at pananagutan.

Pinuna rin ni De Lima ang paggamit ni VP Sara sa justice system para patahimikin ang mga tutol sa kanya katulad ng istilo ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments