
Inihayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na makikipag-ugnayan siya sa Meralco at lokal na pamahalaan ng Maynila para masolusyunan ang problema sa suplay ng kuryente sa Padre Faura Pumping Stations.
Sa ginawang inspeksyon ni Dizon, natuklasan niya na gumagana lamang ang nasabing pumping stations sa pamamagitan ng mga generator sets.
Aniya, magiging malaking problema ito kung sa kasagsagan ng ulan o bagyo ay maubusan ito ng krudo at tuluyan huminto.
Dagdag pa ng kalihim, magastos din kung gagamit pa ng krudo sa mga generator para lamang paganahin ang Padre Faura pumping stations.
Sinabi pa ni Dizon na sinisikap nilang maayos ang lahat ng mga pumping station mula sa Taft Avenue at Roxas Blvd. upang hindi na maranasan pa ang pagbaha tuwing malakas ang ulan at bagyo.
Bukod dito, tuloy-tuloy rin ang hakbang ng DPWH katuwang ang ibang ahensiya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan para maipagpatuloy ang mga proyekto o programa kontra baha.










