
Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa mga magulang at guro sa pagbabantay ng paggamit ng social media at mga gadget ng mga menor de edad kasunod ng nangyaring insidente ng pamamaril sa loob ng eskwelahan sa Tacloban City kahapon, June 22.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., ang mga magulang at mga guardians ay nagsisilbing first line of defense ng mga bata kung kaya’t dapat na maging mapagmatyag ang mga ito sa mga ginagawang aktibidad ng mga menor de edad.
Aniya, bukod sa mga magulang ay tinatawag din nito ang atensyon ng mga guro at school administrators na umaksyon bilang partner ng PNP sa pagsasagawa ng “digital watch”, para matukoy ang mga unang senyales ng pagbabago ng asal ng mga estudyante nang sa gayon ay masugpo agad ito bago pa makagawa ng hindi maganda.
Ayon pa kay Nartatez, ilan sa mga red flags na hindi minsan napapansin ay ang hindi pakikisalamuha ng mga bata sa ibang tao, nahuhumaling sa mga bayolenteng mga imahe at paggamit ng mga radikal na mga lenggwahe.
Kung mapansin ang mga ganitong warning signs ay agad na mag-report sa lokal na pulisya o sa mga otoridad ng paaralan.
Kaugnay nito, sinabi ni Nartatez na nakikipagtulungan na ang PNP sa Department of Education (DepEd) para sa nasabing safety protocols dahil ang pagtitiyak ng kaligtasan ng mga eskwelahan ay isang shared at non-negotiable na responsibilidad.










