
Susuportahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang anumang panukalang makatutulong sa mga kabataan at magpapalakas sa pagpapatupad ng batas.
Pahayag ito ng Palasyo sa mga panukala na amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act para maibaba ang age of criminal liability.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakikita ng Malacañang na makatwiran ang panukalang suportado ng Philippine National Police (PNP), ngunit kailangan munang masuri ng pangulo ang pinal na bersyon bago ito pagpasiyahan.
Sinabi rin ni Castro na isa sa mga nakikitang kahinaan sa kasalukuyang batas ay ang kawalan ng sapat na intervention sa mga batang nasasangkot sa krimen dahil kadalasan ay hindi naihahain ang kaso o agad silang napapakawalan.
Binigyang-diin ng Palasyo na bukas si Pangulong Marcos sa mga repormang magbibigay ng pananagutan sa mga lumalabag sa batas habang pinangangalagaan ang kapakanan at kinabukasan ng mga kabataan.










