Tuesday, June 23, 2026

Pulis na may-ari ng baril sa Tacloban school shooting incident, posible ring makasuhan —PNP

Mahaharap sa dismissal at posibleng mga kasong kriminal ang babaeng pulis na may-ari ng service firearm na ginamit sa madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PCol. Allen Rae Co, nasa restrictive custody na ang pulis habang sumasailalim sa pre-charge investigation at summary dismissal proceedings.

Bukod sa mga kasong administratibo, sinabi ni Co na maaari rin itong managot sa pagkawala ng kanyang service firearm at sa iba pang pananagutang may kaugnayan sa insidente.

Sa imbestigasyon ng pulisya, natukoy na ang 9mm Glock 17 na narekober mula sa 14-anyos na suspek ay nakarehistro at naka-issue sa naturang pulis na nakatalaga sa Police Regional Office 8.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad kung paano napunta sa menor de edad ang service firearm na kalaunan ay ginamit sa pamamaril sa San Jose National High School.

Facebook Comments