Thursday, July 16, 2026

DPWH Sec. Vince Dizon, posible ring ipatawag ng NBI sa imbestigasyon sa umano’y 2019 SEA Games anomaly; pahayag ng ilang senador sa “timing”, pinalagan

Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na posible rin nilang ipatawag si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon kaugnay sa kanilang imbestigasyon sa sinasabing anomalya sa pondo noong 2019 Southeast Asian Games.

Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, ito ay para hingan ng karagdagang impormasyon at bigyang linaw ang kanilang imbestigasyon.

Si Dizon ang nagsilbing Bases Conversion and Development Authority President at CEO mula noong 2016 hanggang 2021.

Sa kabila nito, nilinaw naman ni Matibag na hindi ibig sabihin na suspek na ito sakaling isyuhan ng subpoena.

Binigyang-diin pa ni Matibag na dati nang inabswelto ng Office of the Ombudsman si Dizon sa isyu ng mga itinayong pasilidad para sa SEA Games.

Samantala, pumalag naman si Matibag sa reaksyon ng ilang senador partikular ang magkapatid na Alan at Pia Cayetano kaugnay sa timing ng imbestigasyon at tila intimidation umano lalo’t sasalang siya sa susunod na linggo bilang witness sa Senate Impeachment Court.

Facebook Comments