Saturday, July 11, 2026

PBBM, iginiit na hindi dapat maging sentro ng sigalot ng South China Sea

Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi dapat maging sentro ng alitan ang South China Sea kundi manatiling dagat ng kapayapaan, kooperasyon at kabuhayan kasabay ng paggunita ng ika-10 anibersaryo ng tagumpay ng Pilipinas sa South China Sea Arbitral ruling.

Ayon sa pangulo, ang tagumpay ng Pilipinas ay hindi lamang panalo sa ilalim ng internasyonal na batas, kundi tagumpay rin ng mga mangingisdang Pilipino at mga pamayanang umaasa sa karagatan para sa kanilang kabuhayan.

Nanindigan din si Pangulong Marcos na ang sigalot ng mga bansa ay dapat maresolba sa mapayapang paraan at batay sa international law, hindi sa pananakot o paggamit ng puwersa.

Tiniyak naman ng pangulo na mananatiling matatag ang Pilipinas sa pagsunod sa United Nations Charter at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), habang patuloy na ipinagtatanggol ang karapatan at interes ng bansa.

Nagpasalamat din ito sa mga bansang patuloy na sumusuporta sa Pilipinas sa pagtataguyod ng isang pandaigdigang kaayusang nakabatay sa batas.

Pinangunahan ng pangulo ang diplomatic reception sa Pasay City bilang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng Arbitral award, na dinaluhan ng mga miyembro ng diplomatic community, kabilang sina US Ambassador Lee Lipton, Japanese Ambassador Endo Kazuya, at Senate President Sherwin Gatchalian.

Facebook Comments