
Patuloy na pilalalakas ng Department of Education (DepEd) ang agarang rehabilitasyon ng mga paaralan na nasira ng Bagyong Inday sa ilalim ng Education in Emergencies Policy.
Layunin umano ng DepEd na matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at ang patuloy na pagkatuto sa gitna ng rehabilitasyon at paghahanda sa sakuna.
Ayon sa ahensya, umabot umano sa 81 silid-aralan sa anim na rehiyon ang nasira dahil sa bagyo, kung saan 43 ang may bahagyang pinsala, 20 ang may malaking pinsala, habang patuloy pang beneberepika ng DepEd ang 18 kabahayan na umano’y tuluyang nasira.
Naapektuhan din umano ang mga paaralan sa 11 rehiyon kaya flexible learning modalities muna ang pansalamantalang ipinatupad ng DepEd para hindi maantala ang pagkatuto ng mga estudyante.
Sa kabilang banda, nakaalerto rin ang DepEd sa Negros Island Region habang nasa Alert level 2 pa rin ang Bulkang Kanlaon para masigurong handa ang mga paaralan para sa kaligtasan ng lahat.
Patuloy rin umanong nakikipag-ugnayan ang DepEd sa PHIVOLCS, PAGASA, at iba pang ahensya ng gobyerno para masiguro ang agarang pagtugon kung kinakailangan.










