
Ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyon na humihiling na patawan ng indirect contempt sina Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon, Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña at political analyst na si Richard Heydarian.
Ito ay kaugnay sa kanilang mga pahayag matapos ang desisyon ng Supreme Court na ideklarang unconstitutional o labag sa Saligang Batas ang unang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte noong nakaraang taon.
Naghain ng mga petisyon sina Atty. Ferdinand Topacio, Atty. Mark Tolentino at Atty. Rolex Suplico laban sa tatlo dahil sa mga umano’y offensive, malisyoso at mapanirang pahayag laban sa Kataas-taasang Hukuman.
Sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, nakasaad na ang pagpuna sa korte sa kanilang mga desisyon at polisiya ay bahagi ng political expression.
Kaugnay nito, kailangan muna anilang makita na may malinaw na banta sa paggawad ng hustisya ng mga Korte at may intensiyon na hikayatin ang publiko na mawalan ng tiwala sa Hudikatura.
Sinabi pa ng SC na kailangan ding mag-ingat sa pagpaparusa sa mga pahayag na may kinalaman sa pagtupad sa tungkulin ng mga opisyal ng gobyerno kabilang na ang mga hukom at mahistrado.
Nakasaad din sa desisyon na sa panahon ngayon na pwedeng maglabas ang sinuman ng kanilang saloobin tungkol sa mga pampublikong isyu ay dapat maging mapili ang korte sa mga pagtutuunan ng pansin at oras.
Sa kabila nito, nagbabala ang SC na bagama’t may karapatan ang publiko na punahin ang mga desisyon at polisiya ay hindi ito lisensiya para abusuhin ang freedom of speech.
Hindi rin daw sila magdadalawang isip na parusahan ang sinumang magbibigay ng mga maling komento.










