
Nagpahayag ng labis na pagkabahala si House Committee on Welfare of Children Chairperson at BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co sa dumaraming insidente ng pag-abuso sa mga bata base sa mga kumakalat na video sa social media.
Pangunahing tinukoy ni Co ang viral video ng isang 8-taong gulang na batang lalaki na pinagtutulungang saktan ng sarili ina at lola.
Diin ni Co, klaro sa video ang karahasang ginawa sa bata kaya naman ang kanyang tanggapan ay nakikipag-ugnayan na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), gayundin sa children’s rights groups at psychiatrists para sa tulong at interventions na dapat ibigay sa biktima.
Ayon kay Co, kwalipikado din na maging benepisaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS program ng DSWD ang mga child abuse victims.
Binanggit ni Co na sa ilalim ng child welfare laws, may awtoridad ang social workers na maki-alam at humingi ng court protections para sa mga batang biktima ng pagmaltrato.
Irerekomenda rin ni Co sa konseho ng barangay na mag-isyu ng temporary protection orders para naman sa kaligtasan ng mga kapitbahay na nagsumbong sa insidente ng child abuse.