
Isinulong ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na magsagawa ang House of Representatives ng “energy review” at imbestigasyon sa nararanasang “rotational brownouts” bunga ng red at yellow alerts sa mga power grid ng bansa.
Hindi katanggap-tanggap para kay Diokno na sa kasagsagan ng tag-init, ay libu-libong tao ang nagdurusa at nangangambang mawalan ng kuryente.
Ayon kay Diokno, dapat itong imbestigahan para malaman ang puno’t dulo ng problema at kung may kapalpakan ang ating energy agencies, National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, at power producers.
Una rito ay inihain ni Diokno at ng iba pang mga kongresista noong nakaraang buwan ang House Resolution 875 na nagsusulong na busisiin sa pangunguna ng House Committee on energy ang Philippine Energy Plan.
Sabi ni Diokno, layunin nito na tiyakin ang sapat na supply ng kuryente, palakasin ang renewable energy, at bawasan ang pagdepende sa imported fuel.










