Friday, May 15, 2026

Tyansa ng pagtama ng El Niño sa Hunyo, nasa higit 90% na— PAGASA

Patuloy pang tumataas ang posibilidad ng pagtama ng El Niño sa mga susunod na buwan, partikular ngayong Hunyo, Hulyo, at Agosto.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Climate Monitoring and Prediction Section Chief Ana Liza Solis na posibleng maglabas na ng El Niño advisory ang ahensya pagdating ng Hunyo.

Mula sa dating 79% chance ng pagtama ng El Niño, umakyat na ito ngayon sa higit 90%.

Pero nilinaw ng PAGASA na hindi pa El Niño ang direktang dahilan ng matinding init na nararanasan sa bansa dahil nananatili pa rin ang Pilipinas sa warm at dry season.

Posible umanong maramdaman ang epekto ng El Niño kasabay ng habagat sa Hunyo hanggang Agosto, kung kailan maaaring makaranas muna ng malalakas na ulan bago humina ang pag-ulan sa mga susunod na buwan.

Pinayuhan naman ng PAGASA ang publiko na tutukan lamang ang opisyal na abiso ng ahensya at umiwas sa kumakalat na maling impormasyon online.

Facebook Comments