Eroplano ng PAL na patungong Japan, binulabog ng bomb threat

Naantala ng halos walong oras ang paglipad ng 200 pasahero ng Philippine Airlines flight patungong Kansai, Japan matapos ang bomb threat mula sa isang pasahero.

Ayon kay Col. Esteban Eustaquio ng Philippine National Police Aviation Security Group, isang babae ang tumawag sa airport authority at nagtanong kung may bomba ang PAL flight ng PR-412 patungong Kansai.

Nakuha naman ng mga otoridad ang mobile number ng tumawag at na-trace ang pangalan nito.


Nakumpirma rin na ang babaeng tumawag ay pasahero rin mismo ng nasabing flight.

Bunga nito, agad na pinababa ang mga pasahero at ang kanilang mga bagahe para sa inspeksyon.

Lumabas naman sa pagsusuri ng mga otoridad na negatibo sa bomba ang eroplano maging ang mga bagahe.

Nagpaalala naman ang pamunuan ng Philippine Airlines na may katapat na kasong kriminal ang bomb threat at bomb jokes.

Facebook Comments