
Iginiit ni Senator Ping Lacson na dapat isauli pa rin ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ang hindi bababa sa P1 bilyong pondong nawala dahil sa anomalya sa flood control projects.
Ito ay kahit napagdesisyunan ng Ombudsman na gawing state witness sa flood control scam ang dating kalihim.
Batay sa supplemental affidavit ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, ipinagkakatiwala umano ni Bonoan ang pangangasiwa sa bahagi ng mga nakalaan nitong alokasyon na umaabot sa hindi bababa sa P5 bilyon kada taon mula 2023 hanggang 2025.
Ayon kay Bernardo, ang kabuuang halaga ng mga proyektong kanyang pinangasiwaan para kay Bonoan ay umaabot sa hindi bababa sa P5 bilyon kada taon sa parehong panahon, na may karaniwang 15% commitment.
Aniya, 25% ng 15% na commitment ang ibinibigay umano sa kanya ni Bonoan, at ito ay pinaghahatian pa nila ng yumaong DPWH Undersecretary na si Ma. Catalina Cabral.
Ito ay bukod pa sa testimonya ni dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara na may dalawang porsiyentong standard operating procedure (SOP).










