Monday, June 29, 2026

PNP, suportado ang panukala ng DEPED na dagdagan ang mga guidance counselor sa mga paaralan

Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang panukala ng Department of Education (DEPED) na magdagdag ng mga guidance counselors sa mga paaralan.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., malaki ang role ng mga guidance counselor sa maagang interbensyon at kapakanan ng mga estudyante habang ang mga pulis ay makakatulong sa pagtitiyak ng ligtas na kapaligiran para sa mag-aaral.

Aniya, buong nakatuon ang PNP sa pakikipagtulungan sa mga paaralan, lokal na pamahalaan at komunidad para maprotektahan ang mga mag-aaral at mapigilan ang mga banta bago pa ito mangyari.

Bilang suporta sa inisyatibang ito, inatasan ni PGEN Nartatez ang lahat ng Women and Children Protection Desks (WCPDs) na paigtingin ang mga information campaign tungkol sa pambu-bully, pang-aabuso sa bata, pagsasamantala, karahasan laban sa mga bata, at kaligtasan sa internet, sa pakikipag-ugnayan sa mga paaralan at iba pang lokal na katuwang.

Inatasan din nito ang PNP Anti-Cybercrime Group na palawakin ang mga cyber safety lecture para sa mga mag-aaral, guro at ng kawani ng paaralan para matulungan ang mga ito na matukoy ang mga banta at maiwasan ang mga krimen na posibleng maisagawa gamit ang teknolohiya.

Facebook Comments