Ex Spox Roque, ‘walang bilang’ sa isyu ng pag-aresto kay dating Pangulong Duterte —DOJ

Screenshot from Harry Roque/Facebook

Tinawag na “irrelevant” ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla si dating Presidential Spokesperson Harry Roque kaugnay sa isyu ng pagkaka-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay matapos lumipad ni Roque patungong The Netherlands para tumulong sa depensa nina Duterte sa paglilitis sa kaniya ng International Criminal Court (ICC).

Sa Kapihan sa Manila Bay ngayong Miyerkules, hinamon ni Remulla ang dating kalihim na sa halip ay harapin na lamang nito ang mga reklamong isinampa sa kaniya.

Partikular iyan sa pagkakasangkot ni Roque sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Sinabi pa ni Remulla na dapat magpakatotoo si Roque bilang Pilipino at sundin ang batas dahil wala pa mang nangyayari ay tumatakas na agad ito sa mga kaso.

Nitong Lunes nang sabihin ni Roque na plano niyang humiling ng political asylum sa Netherlands.

Nahaharap sa reklamong human trafficking sa DOJ ang dating tagapagsalita ni Duterte at may warrant of arrest na inilabas sa kaniya ang Kamara dahil sa hindi nito pagsusumite ng mga kailangang dokumento kaugnay sa imbestigasyon ng House Quad Committee.

Facebook Comments