
Naalarma si Senator Imee Marcos para sa bansa sa aniya’y pagkikibit-balikat ng administrasyon ng kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos sa kampanya ngayon ng Estados Unidos para sa pagpapabuwag sa International Criminal Court o ICC.
Naunang sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na hindi sakop ng gobyerno ng Pilipinas ang polisiya ng Estados Unidos ukol sa ICC.
Pagbibigay-diin ni Sen. Marcos, ang isyu ay hindi sa pagkakaroon ng kontrol ng Pilipinas sa polisiya ng Estados Unidos kundi kung naiiintindihan ba ng gobyerno ang magiging epekto sa bansa ng patuloy nitong pagtalima sa ICC.
Nagbabala ang senadora na maari itong magdulot ng lamat sa diplomatic relations ng Pilipinas sa US na matagal nang itinuturing ng bansa bilang kakampi.
Isa pa sa pwedeng maging implikasyon ay maaari itong magtulak sa mas paghihigpit ng US sa mga Pilipino roon.
Giit ni Senator Imee, dapat isapubliko ng Malacañang ang mga pakikipagkasundo nito sa ICC at ipaliwanag kung ano ang plano nito at paninindigan nito ukol sa ICC.










