Thursday, July 23, 2026

Panibagong insidente ng pambobomba ng tubig at pangha-harass ng CCG sa mga barko ng Pilipinas, kinumpirma ng PCG

Ilang araw matapos ang pananakit ng mga tauhan ng Chinese Coast Guard (CCG) sa miyembro ng Philippine Navy, panibagong insidente ng pangha-harass ng China ang naitala sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the WPS Rear Admiral Jay Tarriela, nangyari naman ito sa Bajo de Masinloc kung saan mamamahagi ng fuel subsidy at mga pagkain sa mga Pilipinong mangingisda.

Bago mag-alas sais ng umaga umano nang lumapit ang barkong CCG-3302 sa BRP Datu Dumangsil sa layong 50 metro lamang at dito na sila binomba ng tubig na tumagal nang mahigit dalawang minuto.

Bukod sa water cannon, nagsagawa rin umano ng delikadong pagmamaniobra ang CCG-21579 matapos dumaan sa unahan ng BRP Datu Paiburong.

Sabi ni Tarriela, walang napaulat na nasaktan at ipinagpatuloy din ng mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang kanilang misyon.

Matagumpay naman ang pamamahagi ng fuel subsidy at food packs habang nagpatuloy sa pagpapatrolya at resupply operations ang BRP Datu Sumakwel.

Nagpalipad din ang PCG ng isang Cessna Grand Caravan para magsagawa ng maritime domain awareness flight sa lugar kung saan niradyuhan naman sila ng China kahit sila ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone.

Dito namataan ang presensya ng ilang barko ng CCG, Chinese Maritime Militia at People’s Liberation Army Navy.

Habang nananatili pa rin sa Bajo de Masinloc ang tatlong barko ng PCG, apat na barko ng BFAR at ang M/V Mamalakaya.

Facebook Comments