
Kinokondena ng mga senador ang panibagong pisikal na pananakit ng mga tauhan ng China Coast Guard (CCG) sa mga tauhan ng Philippine Navy na naka-duty sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sinabi ni Senator JV Ejercito, na mistulang doble-kayod ang CCG sa panghaharass at pananakot sa mga tauhan ng bansa magmula sa desperadong pagpapakalat ng AI-video kung saan ginawang unggoy ang isang Pilipino hanggang sa humantong sa physical aggression sa mga nakatalaga sa West Philippine Sea.
Nanawagan si Ejercito sa Department of Foreign Affairs (DFA) na iakyat ang insidenteng ito sa international community at gamitin ang lahat ng diplomatic at legal means upang papanagutin ang China sa patuloy nitong paglabag sa international law.
Hinikayat naman ni Senator Robinhood Padilla ang pamahalaan na gumawa ng mas matatag at kongkretong hakbang para maprotektahan ang ating mga tauhan at ipagtanggol ang ating hurisdiksyon sa West Philippine Sea.
Pinatitiyak din ni Padilla ang pagpapanagot sa mga responsible sa pananakit sa ating mga sundalo.
Hiniling naman ni Senator Bam Aquino na palakasin ang suporta sa ating Navy, Coast Guard at sa mga mangingisda upang protektado angn soberanya ng bansa mula sa anumang panghihimasok ng mga dayuhan.










