Nanawagan ang isang consumer group na alisin na muna ang excise tax at value added tax (VAT) sa produktong petrolyo.
Ito ay sa gitna ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina na inaasahang magpapatuloy pa sa mga susunod na linggo.
Ayon kay Laban Konsyumer President Victor Dimagiba, ito na ang magsisilbing ayuda para sa mga konsyumer kung kaya’t hindi na kinakailangan pang mamahagi ng fleet cards at fuel cards kung ipapatupad ito.
Batay sa kuwenta ng Department of Energy (DOE), sa oras na tanggalin ito ay ₱10 agad ang mababawas sa presyo ng gasolina, habang ₱6 naman sa diesel at ₱5 sa kerosene.
Nauna nang isinulong ng DOE ang pagtanggal ng excise tax at VAT ngunit tinutulan ito ng Department of Finance (DOF) sa Kongreso.
Samantala, nais namang ibalik ng grupo ng public jeepney na 1-UTAK ang ₱10 minimum fare upang makatulong sa mga tsuper.